|
Page 1 of 2
1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang
malaki at banal na kadahilanan ay kahoy (puno) na walang lilim, kundi
(man) damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa
paghahambog o papipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi
talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na
kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat
ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.
4. Maitim
man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay;
mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit
di mahihigitan sa pagkatao.
5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang
(dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban,
inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.
6. Sa taong may hiya, salita'y
panunumpa.
7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y
mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang
magdadaan.
8. Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.
9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin;matutong
ipaglihim ang dapat ipaglihim.
10. Sa daang matinik
ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang
umaakay ay tungo sa sama, patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din. (Ang
simula nito ay obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng
Katipunan; para sa kasalukuyan, iminumungkahing ipalit ang sumusunod:
"Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak;
kung ang umaakay ay tungo sa sama, and patutunguhan ng inaakay ay
kasamaan din.)
11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na
libangan lamang, kundi isnag katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga
kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang
(pisikal na ) kahinaan, alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa
iyong kasanggulan.
12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at
kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
13.
Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at
puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na
kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit
laking gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may
magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di
nagpaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdam-dam at marunong
lumingap sa bayang tinubuan.
14. Paglaganap ng mga aral na ito, at
maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang
Sangkapuluan at sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang
magkakalahi't magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga
ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang
matutumbasan.
Ang Bagong Pinoy - Building a better Philippines, one Filipino at a time
<< Start < Prev 1 2 Next > End >> |