|
I.
Isang katiyakan ang kamatayan sa lahat ng nabubuhay
maging tao, hayop o halaman man.
Bahagi ng malalim na hiwaga ng Buhay,
na tiyak itong hahantong sa isang takdang wakás;
Sa halos lahat nga lamang, ang panahon ng pagpanaw
ay sadyang hindi agad matatanáw!
Si Gat Jose Rizál, isa sa dakilang mga bayani
ng ating Inang Bayang Pilipinas,
Ay nagkaroon ng kakaibáng kalagayan
– itinakda ng hukumang kolonyál ang araw,
Maging ang oras, ng isasagawang pagbaril
upang buhay niya’y ganáp na gawíng lipás.
Kaya’t magdamág, mulang bisperás,
pinadaloy niya sa pluma’y isang tuláng mapagmahál,
Isang pahayág ng pamamaalam, isang pahayág
ng dakilang pag-ibig, isang pahimakás.
Pagkakataong ganito’y hindi nakakamit
ng sinumang ang buhay ay biglaang nauutás.
Ang ibang nagmamahal sa Bayan ay nangusap na lang
sa idinaloy ng kanilang buhay!
II.
Di ko pa alám kung kailan magaganáp na ang buhay ko’y
tunay na ngang magwawakás.
Bilang sanggol, iginawa na ako ng ataul, mga kaanak ko’y
nagsimula nang humagulgol.
Ngunit ang mahiwagang karamdaman sa aking kasanggulán
ay biglaan ding nalunasan.
Mula noo’y mahigit limampung taon na ang nakalilipas.
Sa dagdag na buhay, salamat!
Sa kabila ng maraming panganib na aking sinasadya
o di man sinasadyang nasuungan,
Hindi ko pa oras hanggang sa mga saglit ng pagsulat
ng mga kataga nitong tula,
Ngunit katunaya’y di ko alám kung akin ngang matatapos,
o kung magigising pa ba ako bukas.
Nito lang naunang mga araw, maraming kaibigan
ang pumanaw o nabingit sa kamatayan.
Kailan pa ako magpapaalam sa mahal kong Bayan?
Matapos ba akong biglain ng aking wakás?
Tinutularan ko ngayon si Rizál sa ika-110 kaarawán
ng Ultimo Adios; ito ang una kong paalam!
III.
Sa mga pamamaalam, madalás ang pagbibilin.
Kaya’t magsasabi rin ako ng ilang mithiin.
Nawa’y pahalagahán hindi ang aking bangkáy,
tulad ng damit na hinubád na ng Buhay;
Sa halip na sapatos na butás, may pudpod na swelas,
ang lingunin sana’y ang aking mga bakás!
Sila’y naimarka di lang ng aking mga paa,
kundi ng tunay kong sarili bilang kaluluwa!
Sa halip na ang pagtuunan ng pansin sapatos na
hinubad na’t nagsimula nang maagnás,
Suriin sana’t kilalanin— anong mga bakás
ang aking naiwan at sa aling mga landás?
Nagtatangka naman akong magpaliwanag
ukol sa diwa’t nilalamán ng mga pagsisikap,
Ngunit marami sa mga kakilala, maging sa hanay
ng aking mga kasama, ay di pa nagpapasya
Na magtiyagang pakinggan, basahin at unawaing ganap
ang aking mga pangungusap;
Sa aking pagpanaw, maisip sanang hanapin at balikán,
at, kahit marami, unawain na nang mabuti.
IV.
Sa pamamaalam ko rin sa mahál kong mga kapatid
sa Inang Bayan, aking ibinabahagi
Itong ilang butil ng liwanag na natipon mula sa aking
mga karanasán at mga kasamahán.
Pinakamahalaga sa mga ito ang dalawang-bahaging hamon
at panawagang iniuukol ko
Sa bansang Pilipinas at sa buong mundo
– MagpakaTao at Makipagkapwa-Tao!
Bigyang-kaganapan sa araw-araw na pagsasabuhay,
na ang bawat isa’y nilikhang katulad
Ng Bathalang Lumikha – may magandang kaloobang
mula sa di-masasaid na pagmamahál
At may walang-pagkaubos na kapangyarihang
nararapat maisalamin sa lakas ng loob.
Gawing huwaran si Rizál sa pagpapahalagá’t pagsasabuhay
sa asal ng pagpapakatao,
At ihalimbawa si Bonifacio sa ganap na pagsasaloob
sa diwa ng pakikipagkapwa-tao!
Makipagkapwa-tao tayo nang sa aral ni Jacinto ay mulat:
iisa lamang ang pagkatao ng lahát!
V.
Ating Inang Baya’y nakalugmok sa pagkaduhagi,
sa kamáy ng mga mapagsamantaláng
Umaalipustá sa ating mga kakayahán. Idinadahila'y
mga katangiang mula lang namán
Sa pang-aaliping di pa umaabot ni kalahating milenyo,
at kung gayo’y nagbubulag-bulagan
O kaya’y nagkakaila pa, sa angking dangal ng ating lahi,
katapatan, sipag nati’t kahusayan
Na libu-libong taong tumagál. At habang piit
sa palaaasang kaisipan, pinagsamantalahán!
Maraming nagmamahal sa ating mga kababayan
na matinding naghihikahos bilang dukhâ
Ang naliligáw ng landás sa kaparaanan ng pagmamalasakit
at pagtulong sa ating kapwà;
At di man sinasadya’y napananatili sa hanay
ng ating mga kapatid ang pagiging palaasá.
Agád sanang magawa nating lahát ang magturong mangisdá
sa halip na maglimos ng isdá!
Ilatag ang bagong bayanihan, ang sama-sama nating
pag-unlad sa paraáng tangkilikán!
VI
Ang sinumang tinutulungan ay nararapat lamang
na may sapat na kaalaman at pagsisikap.
Sinumang babangon nang lubos na nakasandig
sa kakayahan ng iba ay di makakabangon;
Siya’y pasán lamang na tulad ng nakasabit na kumot,
sa pagbitiw ito'y muling malulugmók!
Ganitong kaalaman at pagkakataóng magsikap
ay nilayong ipagkaloob ng mga samahán
Na pinagtuunan ko ng panahon sa pagtatatág,
pagpapalawak at ibayong pagpapalakás.
Ngunit di ko yata naipaliwanag nang mahusay at malinaw
kahit sa aking mga kasamahán,
Kaya’t kahit marami mang gawain ang naisakatuparan,
maraming tao’y di pa rin natutulungan
Na magising ang sari-sariling talino’t kakayahán
sa bisa ng kaalaman mula sa karanasán.
Ang kailangan ng mahál nating Inang Bayang Pilipinas
ay tunay na pagsasanib-lakás
Ng mga Pilipinong may taos-pusong pagkukusa,
lakás ng loob at pursigi sa sama-samang pag-angát!
VII.
Habang ako’y patuloy pang humihingá,
sa nalalabing panahong ako’y mabubuhay pa,
Tutulong akong maisulong pa ang sulô
ng ganitong paagsisikap sa ikagiginhawa ng Bayan.
Patuloy kong lalabanan ang tukso ng pagod at gagapiin
ang mga pagbabanta ng pagkabigô
At patuloy na pag-uugnayin ang dapat mag-ugnayan,
pagkakasunduin ang nag-aalitan,
Pahihigpitin ang tulungán ng nagsimula nang
magbayanihan, sa ating mga kababayan.
Tiwala akong sa aking pagpanaw ay patuloy na isusulong
ng marami naman
Sa mga maiiwan at aanib pa sa Pamayanang Sanib-lakás ng Pilipinas
ang sulô ng mga pagsisikap tungo sa kaisahan.
Pagmamahal ko sa ating Bayan ay pangunahin kong
ipapahayag sa piniling landasin—
Ipakilala sa ating mga kababayan at sa ating mga pamayanan:
Tayo mismo ang Inang Bayang Magiliw!
Walang ibang lalong magmamahal at magsasanggaláng sa Pilipinas
kundi tayo, ang pinagsasanib-sanib nating sari-sarili!
Ang huling habilin sa Unang Paalam ko ay ito:
Magsanib-lakás at magbangon ka, Pilipinas!
Mabuhay tayong lahat para sa Inang Bayan
Hanggang sa kahuli-hulihang hiningá!
----------------------------------------
Ed Aurelio C. Reyes
Isinulat sa Makati, Kamaynilaan, Pilipinas
Disyembre 29, 2006
(ika-110 anibersaryo ng Mi Ultimo Adios)
|